Tuesday, June 12, 2012

Ginisang Bagoong (Sauted Shrimp)

"Kung sa Iloilo ang pera ay ginapiko at ginapala sa amin sa Navotas ang Alamang ay Pinapala at Inaapakan".....hmmm pero masarap!

Fourth year high school ako noon ng matira ako sa aking tiyahin na nakapag asawa ng anak ng isang may ari ng Alamang Consignation sa bayan ng Navotas.  Doon ko unang nakita ang banye-banyerang sariwang alamang binababa ng mga malalaking bangka at ito ang huli nila magdamag sa karagatan ng Cavite, Bulacan at sa karatig na probinsya.

Isa sa pinakapaborito ko ito sa lahat lalo na noon nag aaral pa lang ako, masarap na matipid pa na ulam ng isang estudyante na tulad ko mahirap lang. Nang nakita ko kung paano ginagawa ang sariwang alamang para maging bagoong alamang hindi ko maiwasan ang mandire, lalo na makita mo na iyong natapon sa maputik na semento ay pinupulot at ibabalik sa banyera. At kapag naman gagawin na bagoong kailangan ilalagay sa isang malaking lumang banka na nasa loob ng consignation na kung saan doon din ang bahay ng tiyahin ko.  Ibubuhos ang ilang banyera na alamang at ito ay lalagyan ng sako sakong asin, sapal (pinagpigaan ng ginagawang taho) at food coloring.  Sasampa ang isa hanggang dalawang tao na naka suot ng bota para ito ay ihalo sa pamamagitan ng pag martsa o pag apak apak pabalik balik sa alamang at minsan naman kanila ito ginagamitan ng pala. Ang bota ay galing sa maduming semento ng consignation pero bago naman sila sumampa iyong iba nakikita ko naghuhugas ng bota pero ang tanong saan kaya galing ang tubig?

Naalala ko na meron mga naliligaw na dayuhan sa consignation at nakikita ko hindi sila nandidire at maniwala kayo sa hindi ginawang palaman sa tinapay at sabay sabi "yummy"! Hahaha yummy talaga di ba.  Pagkatapos gawin ito ay dadalhin na sa Divisioria o kung saan man malalaking palengke nila ito dadalhin at ang iba ay sa malaking storage iimbak.  Siguro naisip ninyo ganun pala karumi ang bagoong! OO, pwera na lang kung ikaw mismo ang magmamasa sa isang batya at sigurado na malinis talaga. Pero ito lang ang masasabi ko hindi lang ang alamang bagoong ang marumi at sisiguraduhin ko sa inyo dahil naranasan ko na din magtrabaho sa isang malaking kumpanya ng pagawaan ng sardinas.

Isang sekreto para hindi na kayo mag isip na makakain ninyo ang bakterya o dumi na dulot ng paggawa ng bagoong alamang. Pakuluan ito sa maraming suka hanggan sa matuyuan at para rin hindi masira kaagad ang alamang kahit hindi ninyo pa ito igigisa. at mawawala pa ang lansa nito.


Mga Sangkap:

1kl. Bagoong Alamang (matabang)
2 Baso Suka Datu Puti
2 pcs.Sibuyas
Mantika
Asukal na Pula
1/4 Bawang (hatiin pang gisa at roasted or dinurog na pinapula na malutong)
Paminta
1 buo Gata ng Niyog (unang piga)
Luya
Atsuete (optional lang ito kung gusto ninyo lang makulay)
Magic Sarap

Pamamaraan ng Pagluluto:

- Pakuluan ang bagoong alamang hanggan matuyuan
-Isangag sa mantika (toasted) ang durog na bawang at itabi
-Igisa ang bawang at sibuyas at kapag mapula na ilagay na ang gata at haluin para hindi magkulta o mamuo
-Ilagay ang alamang kapag malapot na ang gata hayaan na kumulo at kusang magmantika
-Gadgaran ng luya na kunti at lagyan ng paminta at asukal ayon sa iyong panlasa isabay na ang magic sarap.
-Hayaan kumulo ng kumulo hanggan makita na tuluyang lumutang ang pinaghalong mantika at mantika ng niyog o gata.
-Kung gusto ninyo ng maanghang puede lagyan ng siling labuyo o di kaya ay siling green hiwain ng pahalang.

Ang lutong ito ay puede gamitin sa lutong kare kare huwag lang lagyan ng asukal.

Sa ganitong paraan ng pagluluto matagal at unti unti pinakukuluan ay tumatagal kahit hindi ilalagay sa ref.

No comments:

Post a Comment